Bukas na sulat para kay Pepe.
Hindi ko alam kung "trip" mo ang mapaligiran ng mapanghusgang lipunan ng "social media" dahil sa ito ang "trend" ngayon. Gayunpaman ito na ang "La Solidaridad" namin ngayon. Ipagpaumanhin mo sana, Pepe.
Madami akong gustong ikwento sayo kaso baka madismaya ka. Huwag na lang. Karamihan sana patungkol sa pulitika pero baka maghalo ang madama mong galit, inis, puot, hinayang, hinagpis, yamot, at bungang araw dahil sa init ng panahon. Huwag na lang.
Alam mo ba? Sabi ng pamahalaan medyo nakaka angat na daw ang bansa natin. Hindi na daw tayo masyadong naghihirap. Nabawasan na rin daw ang bilang ng mga pamilyang kumakalam ang tiyan at ng mga walang pinagkukunan ng ikabubuhay. Ngunit sabi lang nila ito. Diba nga may kasabihan na, "Ang taong naniniwala sa sabi-sabi ay walang bait sa sarili"? Di ko na idedetalye sayo kasi baka sabihin mong nahihibang na ako. Huwag na lang.
At siyenpre bat ko naman malilimutan na ikwento sayo ang estado ng edukasyon natin ngayon. Diba napakahalaga sayo ng edukasyon? At naniniwala pa rin ako sayo Pepe dahil sabi mo na kaming mga "kabataan ang pag-asa ng bayan". Tama ka! Kaya nga ginugugol namin ang aming mga oras sa pagpapaunlad ng sarili. Madalas kaming kumuha ng "selfie". At siyempre di kami makasarili, kumukuha din kami ng "groufie" dahil mahalaga ang mga kaibigan.
At oo! Pati ang transportasyon nga pala. Haha! Kung nandito ka siguro at kung makikita mo lang kung ano ang kalagayan, marahil masasabi mo ring "Ang dami kong tawa!" At marahil maghalo pa ang tawa at iyak. Tawa, kasi parang payaso ang mga nasa pwesto at iyak dahil sa awa sa mga kapwa Pilipino na wala nang ibang magawa kundi mag-tiis at magpasensya.
At ang pamahalaan, abala sila sa nalalapit na halalan. Huwag na lang natin silang gamabalain, Pepe. Masyado silang abala sa pagbabatuhan ng kung anu-anong mga paratang sa isa't-isa na para bang mga walang pinag-aralan. Nakaw dito, patayan don. Sisi dito, bwelta don. Nakakapagod. Nakakasawa. Paulit-ulit araw-araw. Telebisyon, radyo, diyaryo, saka yung bago, yung "internet" na kung saan marami ang nahuhumaling panay ganyan ang makikita mo. Nakakalungkot.
Ang dami ko nang nasabi nuh? May oras ka pa ba para pakinggan ako? Ayos lang ba sayo? Pasensya ka na. Pero kung mamarapatin mo Pepe, magsusumbong na rin ako sayo, ha?
Yun nga pa lang mga namamakod sa mga isla natin. Hulaan mo. Kastila? Hindi. Hapon? Hindi rin. Amerikano? At lalong hindi. Huwag kang magugulat, pero mga Intsik sila. Ayon daw sa kasaysayan nila sa kanila raw itong mga isla na ito. Pero 2015 na ngayon Pepe. Ano kayang masasabi mo patungkol dito? Ipaubaya na lang natin sa pamahalaan nuh? Ano sa tingin mo?
Nakakatawa talaga ang mga tao, haha! Pero may isang bagay akong hindi ikinatuwa. Naalala mo yung bantayog mo? Yung puntahan ng mga turista? Yung background sa mga "post cards" at litrato? Naiinis ako kasi may nag "photo bomb" sayo. Isang malaking gusali na marahil hindi kapwa Pilipino ang may-ari at nagpatayo para lang bastusin ka o sadyang wala na lang ding pakialam. Hmm... Kung hindi kapwa Pilipino, ano kayang nasyonalidad? Marahil "Alam na this".
Ay! Oras na pala. Baka may gagawin ka pa siguro o mga pagkakaabalahan, hindi na kita masyadong aabalahin. Ipagpaumanhin mo Pepe ang aking kadaldalan. Sa mga sinabi kong may saysay man o wala, haha! Minsan lang naman 'to at nagkataon namang kaarwan mo pa. Tignan mo nga naman. Tignan mo nga naman.
Napaka walang modo ko. Ipagpaumanhin mo, ako nga pala si "Amor Patrio".